Wednesday, 1 February 2023

Mga tula ni Corazon Batute

KOLEKSYON NG MGA PAGSUSURI NG MGA TULA NI JOSE CORAZON DE JESUS 

 
 

1. Kalupi ng Puso 





Talaan ng aking mga dinaramdam, 

Kasangguning lihim ng nais tandaan, 

bawat dahon niya ay kinalalagyan 

ng isang gunitang pagkamahal-mahal 


Kaluping maliit sa tapat ng puso 

ang bawat talata’y puno ng pagsuyo, 

ang takip ay bughaw, dito nakatago 

ang lihim ng aking ligaya’t siphayo. 


Nang buwan ng Mayo kami nagkilala 

at tila Mayo rin nang magkalayo na; 

sa kaluping ito nababasa-basa 

ang lahat ng aking mga alaala. 


Nakatala rito ang buwan at araw 

ng aking ligaya at kapighatian… 

isang dapithapo’y nagugunam-gunam 

sa mga mata ko ang luha’y umapaw… 

Anupa’t kung ako’y tila nalulungkot 

binabasa-basa ang nagdaang lugod; 

ang alaala ko’y dito nagagamot, 

sa munting kaluping puno ng himutok.


Matandang kalupi ng aking sinapit 

dala mo nang lahat ang tuwa ko’t hapis; 

kung binubuksan ka’y parang lumalapit 

ang lahat ng aking nabigong pag-ibig. 


Sa dilaw mong dahong ngayon ay kupas na 

ang lumang pagsuyo’y naaalaala, 

O, kaluping bughaw, kung kita’y mabasa 

masayang malungkot na hinahagkan ka… 


May ilang bulaklak at dahong natuyo 

na sa iyo’y lihim na nangakatago, 

tuwi kong mamasdan, luha’y tumutulo 

tuwi kong hahagkan, puso’y nagdurugo. 

 

PAKSA:   

Ang tula ay pumapaksa sa damdamin ng pangunahing tauhan. Labis-labis ang kanyang hinagpis sa kanyang sinapit ng siya ay natutong umibig. Masarap at masayang magmahal ngunit ito din ang pinakamasakit. Sa buhay hindi lamang tayo iisang beses iibig ang kinakailangan lang natin ay maging matalino kung sino ang ating pipiliing mahalin. 

Maraming nagsasabi na piliin natin ang taong mahal tayo at hindi ang taong mahal natin kasi sa ganitong paraan ay hindi tayo masasaktan kasi ang pinili natin mismo ay yung taong handang mahalin tayo. Huwag natin kailanman pagsisihan ang mga nabigo nating pag-ibig sapagkat dito tayo natututo at mas nagiging maunlad bilang tao.  

MENSAHE: 

Ang mensahe ng tula na ito ay tungkol sa pag-aalala sa mga nakaraan at pagpapahalaga sa mga nasirang pag-ibig. Ang pag-aalala sa mga nakaraan ay nagbibigay ng kahalagahan sa kultura at kasaysayan ng isang tao o pangkat. Naipapakita sa tula na hindi lamang saya ang emosyong mararamdaman kung tayo ay umibig kundi makikitaan din ito ng iba't ibang uri ng emosyon sapagkat kung tayo ay umibig ay madarama natin ang galit, lungkot at kasiyahan na kung saan ito ay nagpapakita ng tunay na kaanyuan ng pag-ibig. 

Mula sa tula ay mabubuo ang imahe ng isang kalupi o talaarawan, inilarawan sa tula ang kabuoang anyo ng kalupi at ang naging bahagi nito sa buhay ng persona sa tula. Sa kasalukuyang panahon, mahalaga pa rin ang pagpapahalaga sa mga nakaraang karanasan dahil ito ay nagbibigay ng lakas at direksyon sa hinaharap. Sa halaga ng kaunlarang panlipunan at pangkatauhan, ang pagpapahalaga sa mga nakaraan ay nagbibigay ng pang-unawa sa mga nagdaang pangyayari at nagbibigay ng halimbawa para sa hinaharap. 

 

Pumunta sa "iba pang mga tula ni Corazon De Jesus" upang makita ang mga iba pang mga tula niya na ginawan ko ng blog.

Mga tula ni Corazon Batute

KOLEKSYON NG MGA PAGSUSURI NG MGA TULA NI JOSE CORAZON DE JESUS       1. Kalupi ng Puso   Talaan ng aking mga dinaramdam,  Kasangguning l...